Magsasagawa raw ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng nationwide feeding program bukas Setyembre 13 kasabay ng ika-65 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang statement, katuwang daw ng PCSO ang piling Accredited Agent Corporations (AAC) o Small Town Lottery (STL) operators sa buong bansa sa pagsasagawa ng feeding program.
Magbibigay daw sila ng mga sandwiches at drinks sa publiko sa ilalim ng programang “Handog ng PCSO: Isang araw na salu-salo sa kaarawan ng Pangulo.”
Ang inisyatibong ito ay kasunod na rin ng commitment ng PCSO na makapag-remit ng P2.5 billion sa Bureau of Treasury sa kaarawan mismo ng Pangulong Marcos bilang karagdagang pondo para sa Universal Health Care Program (UHCP).
Noong Biyernes, sinabi ng PCSO na magre-remit sila ng P1.74 billion sa coffers ng bansa para tulungan ang pamahalaan sa UHCP.
Sa pamamagitan ng UHCP, ang lahat ng mga Pilipino ay otomatiko nang kasali sa National Health Insurance Program.
Ang financial support ng PCSO sa UHCP para sa kanilang full net charity fund mula sa fourth quarter ng 2019 hanggang December 31, 2021 ay nagkakahalaga ng P1.74 billion.
Kabilang na rito ang P837 million funds mula sa una at ikalawang quarter ng 2022.
Ayon kay PCSO general manager Mel Robles, pirmado na nito ang tseke at umamasa itong sa pamamagitan ng naturang pondo ay mas magiging substantiala ng pagdiriwang ni Pangulong Marcos ng kanyang kaarawan.
Ang pagbibigay daw kasi ng mas maganda, affordable at accessible health services sa lahat ng Pilipino ay isa sa mga mataas na rank ng platform of governance ng Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng Republic Act 11223 o mas kilala ring Universal Health Care Act, mandato ng PCSO na maglaan ng 40 percent ng kanilang charity fund para makatulong sa pag-subsidize sa state insurance program.
Sa ilalim naman ng Joint Circular No. 0001-2022 na nagpo-provide ng guidelines para sa pagpapatupad ng RA 11223 ang pondong inilabas ng PCSO at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay gagamitin para lamang sa mga benepisyo at improvement sa ilalim ng programa.
Wala naman umanong kahit na isang sentimo sa PCSO contribution ay gagamitin ng PhilHealth para sa kanilang administrative expenditures.
Kung maalala, sa unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Marcos noong Hulyo, nangako itong palalakasin ang healthcare system capacity sa bansa at hindi na magpapatupad pa ng coronavirus lockdowns.
Sinabi pa ng Chief Executive na isa sa mga cornerstones ng efficient healthcare system ay ang provision ng competent at efficient medical professionals.