-- Advertisements --

Dumipensa ang Philippine Air Force sa paggamit ni Vice President Sara Duterte sa presidential chopper.

Ayon kay Col. Ma. Consuelo Castillo, PAF spokesperson, bagamat ang pesidential fleet ay nakareserba para sa priority use ng Pangulo, maaari aniyang gamitin ito sa official trips ng iba pang top government officials kabilang na ang Bise Presidente.

Tiniyak din ng PAF official na ang administrative movements ng Bise Presidente ay naaayon sa kanilang umiiral na protocols.

Una rito, ang presidential chopper na sinakyan ni VP Sara ay inooperate ng 250th Presidential Airlift Wing ng PAF na nagseserbisyo para sa air transport ng Pangulo, immediate members ng 1st family, visiting heads ng gobyerno at iba pang local o foreign VIPs.

Umani naman ito ng batikos mula publiko sa social media dahil sa paggamit umano ng Bise-Presidente sa government assets para sa personal na kadahilanan lalo na’t sa gitna ng nararanasang problema sa transportasyon ng nakakarami.

Sa isang post ni VP Sara sa social media, nagpaabot siya ng pasasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagpapahiram ng presidential chopper pauwi matapos ang kaniyang official duties kasabay ng pagbati nito sa Pangulo sa kaniyang ika-65 kaarawan.

Sa panig naman ng Office of Vice President, nauna ng itinanggi ng tagapagsalita ng OVP na si Atty. Reynold Munsayac at iginiit na gingamit lamang ng ikalawang Pangulo ang government chopper para sa official work. Itinanggi din nito ang reports na lumipad si VP Sara patungo sa kaniyang hometon sa Davao City gamit ang government assets dahil nakabase na aniya ngayon ang pamilya ni VP Sara sa Maynila.