Reading Time: 2 minutes
Sun

Ipinapaubaya na umano ni Philip Salvador sa mga otoridad ang sitwasyon ng kanyang pamangkin at dating aktres na si Deborah Sun na naaresto ng magkasanib na puwersa ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency nitong weekend sa Quezon City.

Batay sa impormasyon, mismong ang 66-year-old actor ang nagsabi sa pulisya na isailalim sa drug test si Deborah at kung negative man ang resulta ay umapelang palayain ito pero kailangang dumaan sa wastong proseso.

Ang dating aktres o Jean Louise Porcuna Salvador sa tunay na buhay, ay anak ng yumaong aktor at direktor na si Leroy Salvador na siyang kapatid ni Ipe.

Una rito, madaling-araw ng Linggo, September 8, nang maganap ang buy bust operation sa condominium unit na pag-aari ng sexy actress na si Ara Mina at tinitirhan ni Deborah gayundin ng mga anak nito.

Dito nakumpiska ang pitong transparent plastic sachets na pinaniniwalaang shabu, weighing scale, at dalawang lighter.

Sinasabing matagal-tagal na ring namamalagi si Deborah, mga anak niya at mga apo sa naturang condo unit, na boluntaryong ipinahiram muna sa kanila ni Mina bilang tulong.

Sa panig ni Ara, ikinagulat daw nito ang insidente at nalulungkot na posibleng naimpluwensiyahan muli ng iba ang kanyang Tita Debs.

“Nagulat ako when I found out. Madaming tumawag sa akin ‘nung Monday. Pero so far wala naman akong nababalitaan ng ganon kay Tita Debs simula nung tumira sya sa condo ko,” ani Mina sa push. “Kay Tita Debs naman, sana wag na sya bumalik. Kakalungkot lang na nasangkot siya sa ganyan ulit.”

Naging tampok si Deborah sa 1980s movie na “Temptation Island,” “Pasan ko ang Daigdig” noong 1987, at “Pakawalan mo Ako” noong 1981.