Inihanda na raw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P30-bilyong pondo nito na siyang gagamitin pansagot sa treatment ng mga Pinoy na mai-infect ng COVID-19.
Ayon kay PhilHealth president Ricardo Morales, bukod sa COVID-19, sasagutin din daw ng state health insurance ang gastusin sa pre-existing medical condition ng isang pasyente.
Una ng inanunsyo ng tanggapan na hanggang April 14 lang nila sasagutin ang gastusin ng mga pasyenteng tatamaan ng COVID-19.
Paliwanag ng PhilHealth, ang paglalagay nila ng deadline ay bunsod ng malawak at mabilis na pagkalat ng sakit.
Sa ngayon daw kasi ay wala pang existing case rate o package ang PhilHealth para sa COVID-19 cases.
“Philhealth is confident that by the above-mentioned date, more about the behavior of the disease in the Philippine can be learned, a final protocol established and an appropriate case rate developed that will provide adequacy and sustainability to the anti-COVID-19 campaign,” ayon sa statement.
Iginiit naman ng opisyal na kahit sapat ang kanilang pondo ay limitado pa rin ito ng mga paggagamitan.
Nitong Linggo, iniulat ng Health department na nasa 3,246 na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.