-- Advertisements --

Ibinunyag ni Presidential Spokesman Harry Roque na iniimbestigahan na ngayon ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa umano’y overpriced purchase ng IT system na nagkakahalaga ng mahigit P2 billion.

Kasabay nito, hinikayat ni Sec. Roque si Thorrsson Montes Keith, PhilHealth anti-fraud officer na tumulong sa imbestigasyong pinapangunahan ng Presidential Management Staff (PMS).

Si Keith ay nagbitiw sa pwesto dahil umano sa malawakang korupsyon sa PhilHealth.

Sinabi ni Sec. Roque, sana ay makipagtulungan siya tutal ay nag-resign na siya para matapos na ang korupsyon sa PhilHealth.

Ayon kay Sec. Roque, kung hindi nagawa ni Keith habang nasa loob pa, ngayon na niya dapat gagawin ang paglalahad lahat ng nalalaman niya bilang anti-fraud officer.

May hawak umano si Sec. Roque na kopya ng resignation letter ni Keith kung saan nito binanggit ang malawakang korupsyon sa PhilHealth.

“Nananawagan ako sa kaniya na ngayong meron nang pormal na imbestigasyon, sana po ay makipagtulungan na lang siya tutal siya naman ay nag-resign na para matigil na once and for all ang corruption diyan sa PhilHealth,” ani Sec. Roque. “Kung hindi niya nagawa habang nasa loob, gawin na niya ngayon at sabihin na niya ang lahat ng nalalaman niya bilang anti-fraud officer.”