Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Navy na nakahanda ang kanilang mga barko na bigyan ng seguridad ang mga magssagawa ng oil exploration sa West Philippine Sea , matapos nagbigay na ng go signal si Pang. Rodrigo Duterte na iresume ng Department of Energy ang kanilang sea survey.
Ayon kay Philippine Navy Flag-officer-in-command VADM Giovanni Carlo Bacordo, kanilang sisiguraduhin na ligtas ang mga taong magsasagawa ng oil exploration sa loob ng 200 miles exclusive economic zone maging hanggang sa bahagi ng Benham Rise.
Sinabi ni Bacordo, nakatutok din ang Phil Navy sa magiging sitwasyon sa West Phil Sea sa mga susunod na mga araw kapag nagsimula na ang oil exploration lalo na at patuloy sa pagiging agresibo ang China sa nasabing rehiyon.
Siniguro naman ni Bacordo na nakahanda sila sa anumang mga gagawing hakbang ng China.
Sa ngayon patuloy ang ginagawang maritime and air patrols ng hukbo sa West Phl Sea, pinalakas din ng navy ang kanilang facilities sa nasabing lugar para mapaigting pa ang kanilang monitoring.
Aminado naman si Bacordo na patuloy ang ginagawang pag challenge ng mga Chinese vessels sa mga barkong dumadaan sa disputed islands gray ships man ito o mga commercial vessels.
Pero binigyang-diin ni Bacordo na hindi naman nagpapatinag ang mga barko ng Philippine Navy sa mga Chinese vessels dahil kanila din tsina-challenge ang mga ito kapag namataan ang kanilang presensiya sa teritoryo ng bansa.
Nilinaw ni Bacordo na normal lang na magkaroon ng challenge sa karagatan dahil bahagi ito ng tinatawag nilang code for unplanned encounters.