-- Advertisements --

Idineploy na ng Philippine Navy ang mga sundalo nito sa ilang bahagi ng Palawan upang tumulong sa paglikas sa libo-libong residente na inabutan ng tubig baha.

Ayon sa PN, nirespondehan ng mga personnel mula sa 311th Marine Company, Marine Battalion Landing Team-11, at 3rd Marine Brigade ang distress call mula sa ilang local disaster office sa naturang probinsya.

Tinungo ng mga ito ang ilang barangay na nalubog sa baha, pangunahin na ang mga coastal area sa El Nido.

Hanggang sa kasalukuyan, nakadeploy pa rin ang mga navy personnel sa iba’t-ibang bahagi ng Palawan kasabay ng patuloy na pagpapalikas sa mga pamilya.

Batay sa report na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction Management – Palawan, umabot na sa 2,217 pamilya ang natukoy na apektado sa malawakang pagbaha sa iba’t-ibang mga lugar. Ito ay binubuo ng kabuuang 9,946 katao.

Nananatili namang bukas ang ilang evacuation center sa naturang probinsya. Pansamantalan naninirahan dito ang kabuuang 5,856 indibidwal o katumbas ng mahigit 1,440 pamilya.

Ang ibang natukoy na apektado ay mas piniling pansamantalang manirahan sa kanilang mga kaanak at kakilala habang nagpapatuloy ang pagbaha.

Patuloy namang bineberipika ang isang indibidwal na napaulat na umano’y nawawala, kasama na ang isang bata na umano’y nasawi sa kalagitnaan ng mga pagbaha.