Nagsagawa ang Philippine Army Aviation Regimen ng maritime air patrol sa mga karagatang sakop ng Mindanao.
Ang naturang patrol mission ay sa pangunguna ng Special Mission Aviation Company, isang unit sa ilalim ng Aviation Regimen kung saan nagawa ng team na ikutan ang mga karagatang sakop ng Zamboanga Peninsula, Maguindanao del Norte, at mga katubigang saklaw ng mga isla ng Basilan at Sulo.
Bago nito ay nagsagawa rin ng kahalintulad na patrol operations ang Philippine Army sa mga katubigang sakop ng Aurora, Isabela, at Cagayan, ang mga probinsyang direktang nakaharap sa northeastern seaboard ng Pilipinas.
Kasama sa inikutan ng team ang Philippine Rise, ang kinikilalang pinakamalaking caldera sa buong mundo.
Nitong buwan ng Hunyo, nagsagawa rin ang PA ng maritime patrol sa mga karagatang sakop ng Central at Eastern Visayas.
Ayon sa PA, ang mga ginagawa nitong maritime patrol ay bilang pagsuporta sa Land Defense Concept ng hukbo, isang mahalagang bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng Department of National Defense.
Ito ay maliban pa sa mga maritime at aerial patrol na isinasagawa ng Philippine Air Force at Philippine Navy.