TOKYO – Nakatakda nang magsimula sa Disyembre ang clinical trials ng COVID-19 vaccine na gawa ng Japanese pharmaceutical firm na Shionogi & Company.
Sa interview ng Reuters, sinabi ni Shionogi chief executive Isao Teshirogi, na Phase 1 pa lang ng trials ang magaganap sa huling buwan ng taon. Ibig sabihin, sa maliit na bilang ng populasyon pa lang susubukang pag-aralan ang ginawang bakuna.
Target naman nilang simulan ang Phase 2 pagdating ng Enero 2021. Hindi raw ikinokonsidera ng kompanya na gawin sa Japan ang Phase 3 ng trials dahil nabawasan na raw ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Plano ng pharmaceutical firm na mabakunahan ang 30-milyon katao sa pagtatapos ng 2021. Mas malaki ito sa target ng isa pang AnGes Inc. na naka-base sa Osaka City.
Una nang tumanggap ng $400-million mula sa Japanese government ang kompanya para sa kanilang vaccine research.
Plano ni Prime Minister Yoshihide Suga na makapag-distribute ng bakuna sa buong Japan pagdating ng kalagitaan ng 2021.
Bukod sa kanilang local manufacturers, naglaan din ng pondo ang pamahalaan ng Japan para sa bakunang gawa ng AstraZeneca ng United Kingdom at Pfizer ng Amerika.(Reuters)