KALIBO, Aklan – Binuksan na ang phase 1 at 2 ng circumferential road sa isla ng Boracay.
Ang nasabing kalsada sa phase 1 ay bumabagtas mula sa Cagban Port hanggang sa Bolabog Dramatic Road na may habang 4.47 kilometers habang ang phase 2 ay mula sa Elizalde hanggang Rotonda na may sukat na 3.36 kilometers.
Ang pagbubukas ng phase 1 at 2 ng circumferential road ay pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.
Sa nasabing proyekto, ginawa itong konkreto, mas pinalawak ang kalsada, nilagyan ng drainage system, street lights, road safety markings at pinalapad pa ang pedestrian sidewalk.
Maliban sa pagbubukas ng phase 1 at 2 ng proyekto, pinasinayaan din ang 800-meter section na daan sa bahagi ng Laketown.
Ayon kay Sec. Villar sa sandaling makumpleto na ang nasabing proyekto at madaanan na ng mga motorista, inaasahang aabot na lang sa 40 hanggang 45-minuto ang biyahe mula Cagban Port sa Brgy. Manocmanoc hanggang Ilig-Iligan Beach sa Brgy. Yapak mula sa kasalukuyang isang oras at 30 minuto.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P890 milyon.
Ang natitirang section ng kalsada ay nangangailangan pa aniya ng halos P1.13-milyon na pondo.