-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. sa panukala ng Department of Health (DOH) na i-require ang unang COVID-19 booster dose bago ang isang indibidwal ay maituturing na fully vaccinated laban sa viral disease.

Ipinaliwanag ni PHAPI president Dr. Jose de Grano na ang mga booster shot ay kailangan dahil ang kaligtasan sa mga nakatanggap ng kanilang pangunahing serye ng bakuna ay maaaring humina na.

Napag-alaman na sumang-ayon umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa rekomendasyon ng DOH upang itaas ang antas ng proteksyon ng publiko laban sa COVID-19 at upang mapaghandaan ang pagpapatuloy ng 100% face-to-face class sa mga paaralan pagsapit ng Nobyembre .

Pinaalalahanan din ni De Grano ang publiko na ang variant ng Omicron COVID-19 ay nananatiling “highly contagious” kahit na ang mga infected ay nagpapakita lamang ng mild o katamtamang sintomas.

Inihalintulad ni Marcos ang Omicron sa isang trangkaso, na nagsasabing maaaring ito ay “medyo nakakahawa ngunit hindi [ito] tumama nang kasing lakas” gaya ng iba pang mga variant.

Napansin ng ahensya na 3.09% lamang ng mga kaso ng Omicron na naitala sa bansa mula Disyembre 2021 hanggang Pebrero 2022 ang nasa malubha o kritikal na kondisyon.

Sakaling patuloy na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni De Grano na nakahanda ang mga ospital na tumanggap ng mga pasyenteng i-admit hangga’t may sapat na healthcare workers.