Tumatanggi ang karamihan sa mga mild COVID-19 patients na mailipat mula private hospitals patungo sa isolation facilities ng pamahalan, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI).
Sa isang panayam, sinabi ni PHAPI president Dr. Rustico Jimenez na mas nais ng mga pasiyente na ma-admit sa mga ospital na malapit sa kanilang bahay.
Takot kasi aniya ang mga pasyente na ito na lumipat sa mga isolation facilities ng pamahalaan dahil natatakot sila at dahil malayo ang mga ito sa kanilang bahay, ayon kay Jimenez.
Pero hindi aniya maiiwasan kung sakali na mapuno ang mga pribadong ospital ng mga COVID-19 patients kung magpatuloy ang ganitong sitwasyon.
Kaya inirekominda ni Jimenez na iyong mga may mild COVID-19 cases ay mailipat sa mga isolation facilities.
Kahapon, Hulyo 13, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na available ang maraming isolation facilities para i-accommodate ang mga COVID-19 patents.
Ayon kay Vergeire, ang mga isolation facilities na hawak ng mga LGUs ay may occupancy rate na 25 percent, habang ang sa national government-run facilities naman ay 38 percent pa lang hanggang sa kasalukuyan.