-- Advertisements --

PASAY CITY – Pinatunayan ng Philippine Wushu Team ang kanilang galing matapos naipanalo nilang lahat ang kanilang anim na laban sa semifinals ng Sanda event sa nagpapatuloy na 30th Sea Games sa World Trade Center, Pasay City.

Unang nagwagi si Divine Masadao Wally sa Women’s 48-kg category sa pamamagitan ng absolute victory laban sa bansang Laos.

Hindi rin nagpatinag sa Men’s 48-kg category ang playing coach ng koponan na si Jessie Aligaga na nanaig sa pamamagitan ng split decision laban sa atleta ng Vietnam.

Sa unang round hindi naging madali ang laban para kay Aligaga dahil hindi ito nakakapatama ng maganda subalit pagsapit ng ikalawang round dinomina na nito ang bakbakan hanggang sa ikatlong round.

Muli ring nagpamalas ng galing si Arnel Mandal na pinayuko ang isa pang Vietnamese na kalaban.

Panalo naman si Francisco Solis sa Men’s 56-kg category sa pamamagitan din ng absolute victory matapos sumuko na ang kanyang katunggaling Malaysian sa kalagitnaan pa lamang ng unang round.

Hindi rin nagpahuli sa laban si Gideon Padua na pambato ng bansa sa Men’s 60-kg category na binanatan ng husto ang kalabang Thailander sa una at ikalawang round upang hindi na umabot sa ikatlong round ang labanan.

Makapigil hininga naman ang naging bakbakan sa Men’s 65-kg category sa pagitan ng Pinoy na si Clemente Pabatang Jr., at katunggaling taga Myanmar dahil naging dikit pa ang kanilang labanan.

Subalit humugot ng lakas si Pabatang sa ibinuhos na suporta ng mga pinoy fans upang maigupo ang kalaban.

Dahil sa panalo ng naturang mga atleta, lalaban na ang mga ito bukas ng hapon sa gold medal game.