-- Advertisements --

MANILA – Naniniwala ang Department of Health (DOH) na hindi maapektuhan ng paghinto sa pagbabakuna ng AstraZeneca ang vaccination program ng Pilipinas laban sa COVID-19.

“I don’t think so,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire nang tanungin sa isang media forum.

Nitong Huwebes nang ipahinto ng DOH at Food and Drug Administration (FDA) ang pagtuturok ng AstraZeneca vaccines sa mga edad 59-anyos pababa.

Ito’y kasunod ng mga ulat na may ilang nabakunahan sa Europe ang nakaranas ng pamumuo ng dugo at mababang platelet count.

Gayunpaman sinabi ng European Medicines Agency na ligtas pa rin ang AstraZeneca vaccines, at “very rare adverse effect” lang ang mga insidente.

“Sa ngayon naman wala naman talaga tayong natagpuan na nagkaroon ng ganitong klaseng event matapos bakunahan.”

“We just want to be very cautious, gusto lang natin pangalagaan yung safety ng ating mga kababayan kaya natin babalikan ang pag-evaluate ng mga ganitong evidences.”

Ayon naman kay FDA director general Eric Domingo, magandang pagkakataon ang suspensyon lalo na’t kakaubos lang ng 525,600 doses ng bansa sa nasabing bakuna.

Paliwanag ng opisyal, susulitin nila ang panahon na naka-suspinde ang pagbabakuna para makabuo ng bagong guidelines.

Sa ngayon kasi hindi pa dumadating ang bagong batch ng British-Swedish vaccines na mula sa COVAX Facility ng World Health Organization.

“Yung ating pagsusuri kung ano yung magiging paghahanda for the next batch ay gagawin natin next week.”

“Yung WHO actually nag-email na ng mga data. Yung NAEFIC kinausap ko na rin kahapon, at yung vaccine expert panel ay hiningan ko na ng recommendation so that we can put all of these together… para pagdating ng next batch ready na tayo.”