-- Advertisements --
DOST Sec Fortunato dela Pena DOSTv
IMAGE | DOST Sec. Fortunato de la Peña/Screengrab, RTVM

MANILA – Posibleng sa susunod na buwan magsimula ang pag-aaral ng Pilipinas sa bisa ng pagtuturok ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccines.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), hinihintay pa rin nila ang approval ng Research Ethics Board at Food and Drug Administration (FDA) sa gagawing pag-aaral.

Pero target daw nilang masimulan ang research sa Hunyo.

“Matagal ito kasi matagal ang pag-oobserba kung ano ang epekto. Ito ay titingnan ang mga adverse effects na maaaring mangyari,” ani Science Sec. Fortunato de la Peña sa panayam ng Teleradyo.

Tatagal ng 18-buwan ang pag-aaral na pamumunuan ng Philippine Society for Allergy, Asthma, and Immunology.

Tinatayang 1,200 na volunteers naman ang target na isali sa research.

Layunin ng pag-aaral na matukoy ang bisa ng pagbibigay ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccines bilang first at second dose.

Una nang sinabi ni Dr. Jaime Montoya ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development na hinihintay din nila ang pondo para masimulan ang pag-aaral.

Pinag-aaralan na sa United Kingdom ang brand mixing gamit ang mga bakuna ng Pfizer, AstraZeneca, Moderna, at Novavax.