-- Advertisements --

Nagtalaga na ng mga tauhan ang Philippine Red Cross, kasama ang iba pa nilang assets para tumulong sa mga pangangailangan sa panahon ng traslacion procession sa darating na Enero 9, 2024.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, nakapuwesto ang kanilang assets at logistics sa Quiapo Church at Quirino Grandstand mula Enero 7-10, 2024.

Inaasahan kasi ang milyon-milyong Catholic faithful na darating, lalo’t tatlong taon na hindi ito naidaos noong panahon ng pandemya.

Maliban sa Metro Manila Chapters ng PRC, tutulong din ang Rizal province sa pagresponde sa mga nangangailangan.

Sa kabuuan, mahigit 1,000 trained first aiders at Emergency Response Unit (ERU) personnel at iba pa ang ide-deploy sa 10 first aid stations at welfare desks sa daraanan ng prosesyon.

Mayroon din silang anim na team ng foot patrollers para magsilbing mobile first-aiders.

Maliban dito, magtatayo din ng Emergency Field Hospital (EFH) sa may Kartilya ng Katipunan at mayroon ding 17 ambulansya, 1 fire truck, dalawang rescue boats at 1 amphibian.

Ayon naman kay PRC Secretary-General Dr. Gwen Pang, may bukod pang 20 PRC ambulance units mula naman sa Central Luzon at Southern Tagalog ang on stand-by para magbigay ng assistance sa kanilang mga team.