Naka-depende pa rin daw sa sitwasyon ng bawat lokal na pamahalaan sa bansa ang posibilidad na malagay sila sa pinaka-maluwag na antas ng community quarantine laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng Department of Health (DOH) matapos sabihin ni Acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Chua na maaaring ma-extend ang quarantine ng buong bansa sa 2021.
“Hindi natin alam yung konteksto how Sec. Karl was discussing nung nakapag-bitaw siya ng ganitong salita, (but) what I can say would be nothing is certain at this point,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum noong Biyernes.
Ayon sa DOH spokesperson, target ng pamahalaan na sa ikalawang quarter ng taon ay malagay na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong Pilipinas. Ito ang pinaka-maluwag na quarantine status batay sa takda ng pamahalaan.
Para maabot ito, kailangan daw matiyak na naabot ng local government units (LGUs) ang ilang “gatekeeping indicators.”
“Surveillance, contact tracing, isolation, testing, and all. Bakit ba natin kailangan yon? Kapag nakita natin ang isang LGU capable na with all, ibig sabihin capable na siya to manage any kind of increase in cases in their area.”
“Ganoon din yung gusto natin makita sa health system natin.”
Sa isang briefing, sinabi ni Sec. Chua na posibleng maramdaman pa rin ang paghikahos ng ekonomiya ng bansa sa susunod na taon dahil inaasahang mae-extend ang quarantine sa kabuuan ng 2021.
Kamakailan nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa ilalim pa rin ng GCQ ang Metro Manila at ibang lugar sa bansa hanggang katapusan ng December 2020.