Hindi lumilikha ng anumang gulo ang Pilipinas sa West Philippine Sea at ang mga operasyon ng bansa sa nasabing karagatan ay lehitimo sa ilalim ng international law.
Ito ang iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng alegasyon ng China na paglabag umano sa Declaration on the Conduct of Parties (DOC) in the SCS ang mga aksiyon ng bansa sa WPS partikular na sa Bajo de Masinloc.
Paliwanag pa ng DFA na ang Bajo de Masinloc o Scarborough shoal ay isang mahalagang parte ng teritoryo ng Pilipinas kung saan mayroong soberaniya at hurisdiskiyon ang bansa. Nasa loob din ito ng exclusive economic zone at continental shelf ng bansa.
Saad pa ng ahensiya na isang high tide feature ang Bajo de Masinloc at isang traditional fishing ground para sa mga Pilipino na nangangahulugan na mayroong mga karapatan ang mangingisdang Pilipino na mamingwit doon, ito rin ay 12 nautical miles territorial sea at napapalibutan ng mga karagatan sa loob ng EEZ ng PH.
Iginiit din ng DFA na tungkulin ng bansa na suportahan at protektahan ang mga mangingisda bilang bahagi ng karapatan nito sa ilalim ng international law.
Una rito, nanindigan ang mga opisyal ng PH sa pagsasagawa ng legal operations sa Bajo de Masinloc kabilang ang pangingisda, maritime exercises at maritime patrol na nakikita ng China bilang mga aktibidad na nagpapalala lamang umano sa sitwasyon sa disputed waters.