-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Energy na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan para masiguro ang “safe passage” ng mga Pilipinong mandaragat, mga barko, at mga kargamento sa gitna ng tensyon sa Middle East. 

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, tinutukoy na ng Department of Foreign Affairs ang lokasyon ng mga Pilipinong nananatili sa mga barko sa naturang rehiyon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Bagaman hindi direktang nag-aangkat ang Pilipinas ng langis mula sa Middle East dahil kumukuha ang bansa sa South Korea at Japan ay apektado pa rin ang suplay dahil ang mga nasabing bansa ay doon din nagmumula ang krudo. 

Dahil dito ay kinansela na ng Petron ang mga order nito mula sa Middle East at naghanap ng ibang mapagkukunan gaya ng Russia upang hindi maantala ang serbisyo ng nag-iisang refinery sa bansa.

Bilang bahagi ng risk management at diversification ay nakahanap na rin ang Pilipinas ng mga bagong source ng enerhiya mula sa India, Canada, at Argentina maging para sa suplay ng LPG. 

Binigyang-diin ng kagawaran na mayroon o wala mang harang sa Strait of Hormuz ay tiniyak ng gobyerno na may sapat na pagkukunan ng langis ang bansa. Kasabay nito ay patuloy ang pagbabantay sa sitwasyon upang masamantala ang mga pagkakataong bukas ang mga ruta ng kalakalan para sa mga produktong petrolyo.