-- Advertisements --

Naghahanda na ang Department of Justice (DOJ) ng isasampang kaso laban sa China kaugnay sa mga nadiskubreng malawakang pinsala sa mga bahura sa West Philippine Sea partikular sa Rozul reef at Escoda shoal ayon kay dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio.

Ayon pa sa dating mahistrado na nakatutok at malawakang sinasaliksik ang isyu sa WPS at kaso nito, hihingin ng bansa ang kabayaran sa pinsala sa mga bahura kung saan namamahay at nangingitlog ang mga isda at kung wala ang mga ito ay walang mga isda sa karagatan.

Sinabi din ni Carpio na hihiling ng tribunal ruling ang PH sa kaso laban sa China.

Kung nagkataon, ito na ang magiging ikalawang tribunal case laban sa China. Ang nauna ng inihaing kaso laban sa China ay noong 2012 kung saan nagpasya ang tribunal na labag sa batas ang mga pag-aangkin ng China sa West PH Sea.

Inihayag naman ni Carpio na ang bagong arbitral case ay iba mula sa naunang inihain na maaaring mahirap aniya na ipatupad ng PH.

Ang bagong complaint ay naglalayong pagbayarin ang China ng monetary damages para sa mga aktibadad nito na pumatay sa mga bahura.

Kung paano ipapatupad ng PH ang desisyon sakaling muling paburan ang bansa, sinabi ni Carpio na maaaring kolektahin ang kompensasyon mula sa China sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng loans na ibinigay na ng China para sa mga proyekto para sa Chico at Kaliwa dam.

Matatandaan na una ng kinumpirma ng Philippine Coast Guard ang labis na pinsala sa marine environment at coral reef sa seabed ng Rozul reef at Escoda shoal.

Ito ay natuklasan sa isinagawang maritime patrols noon ng mga barko ng PCG sa nasabing mga lugar matapos mamataan ang nagkukumpulang mga barko ng China mula Agosto 9 hanggang Setyembre 11 noong nakalipas na taon.