-- Advertisements --

Nagtala ang Pilipinas ng pinakamataas na singil sa kuryente sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong Hunyo, ayon ‘yan sa Department of Energy (DOE), bunsod ng limitadong suplay at mataas na demand ng kuryente.

Ayon kay DOE Undersecretary Rowena Cristina Guevara, umabot sa P12.43 kada kilowatt-hour (kWh) ang average na presyo ng kuryente sa bansa noong Hunyo, na mas mataas ng P0.093 kada kWh kumpara sa singil sa Singapore.

Ipinaliwanag ni Guevara na pinakamataas ang singil sa Visayas dahil sa kakulangan ng suplay sa rehiyon. Aniya, may 21 power plant units na nakaranas ng forced outage kaya umaasa ang Visayas sa suplay mula sa Luzon at Mindanao.

Ilang araw nakaranas ng yellow alert ang Visayas grid noong Hunyo, na nangangahulugang hindi sapat ang operating margin ng sistema upang matugunan ang kinakailangang reserba para sa seguridad ng transmission grid.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan nito ang pagkaantala ng operasyon ng ilang malalaking coal-fired power plant sa rehiyon.

Kasama sa mga naapektuhang pasilidad ang Therma Visayas Inc. Units 1 at 2 at Panay Energy Development Corp.

Samantala, sinabi ng DOE na tumaas din ang singil sa kuryente dahil sa mataas na demand tuwing summer months. Dahil dito, kinailangang patakbuhin ang mas mamahaling power plants upang maiwasan ang kakulangan sa suplay at posibleng brownout.

“Imbes na mag-blackout, pinapatakbo na lang ang mga medyo mahal na planta,” ani Guevara.

Samantala, nagpatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng dagdag-singil na P0.1488 kada kWh noong Hunyo, dahilan upang umakyat ang kabuuang residential rate sa P14.4833 kada kWh mula sa P14.3345 kada kWh noong Mayo.

Katumbas ito ng tinatayang P29.76 dagdag sa buwanang bill ng isang karaniwang kabahayan na kumokonsumo ng 200 kWh.

Para naman sa Hulyo, nagdagdag muli ang Meralco ng P0.3428 kada kWh, kaya umabot sa P14.8621 kada kWh ang kabuuang singil. Tinatayang magdadagdag ito ng humigit-kumulang P69 sa buwanang bayarin ng isang karaniwang consumer.