Maaring sumunod na rin daw ang Pilipinas sa ginawang hakbang ng Center for Diseases Control (CDC) sa Amerika na pagluluwag na rin sa mga health protocols.
Batay kasi sa bagong panuntunan ng CDC, inirerekomenda ang pagtanggal na ng ilang protocols gaya ng physical distancing at quarantine kahit nagkaroon pa ng close contacts sa mga COVID positive.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Dr Ted Herbosa, dating adviser sa National Task Force Against COVID-19, sinabi ito na kung tutusin daw ang karatig bansa ng Pilipinas na Thailand ay ginaya na rin ang CDC.
Inalis daw ng health department ng Thailand ang COVID-19 sa listahan na isa sa mga dangerous communicable diseases at sa halip ay inilagay na lamang sa kategoryang trangkaso.
Sapat na rin daw kasi ang kanilang health care capacity at isinailalim ang mas maraming mamamayan sa mga nagpabakuna.
Dito rin naman daw sa Pilipinas, alam na rin ng mga eksperto ang pagharap sa virus kung mag-mutate ay hindi na rin ganon katindi noong mag-umpisa ito noong taong 2020.
Naniniwala si Dr. Herbosa na balang araw doon din daw tutungo ang Department of Health sa naging hakbang ng CDC.
Binalikan din nito ang nangyari sa Pilipinas noong buwan ng Enero na kahit halos araw-araw ay nakakapagtala ng 39,000 na mga nahahawa sa COVID ay hindi naman tuluyang napuno ang mga ospital.
Ang mga tinatamaan daw ng omicron subvariants ay karamihan doon na lamang sa mga bahay nagpapagaling.
Aniya, ang Thailand at Amerika kaya raw nagluluwag na rin ng husto ay bunsod na mataas ang popolasyon na nakatanggap ng booster.
Habang sa Pilipinas umano ay marami ang tinatamad na magpa-booster.
Kaya muling nagpaalala ang eksperto na kung anim na buwan na matapos nagpabakuna ay dapat kumuha na rin ng booster shots.