Ipinasa na ng Pilipinas ang instrumento ng pagpapatibay ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Indonesia, ayon yan sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ibinigay ni ASEAN Philippine Permanent Representative Hjayceelyn Quintana ang instrumento kay Secretary-General Kao Kim Hourn noong Abril 27, na siyang huling hakbang upang maipatupad ang kasunduan.
Ang kasunduan ay magkakabisa sa bansa sa darating na Hunyo 2.
Ayon kay Quintana, mahalaga ang pakikilahok ng Pilipinas sa RCEP lalo na dahil ito ay gagawing mas mapagkumpitensya ang mga industriya, at ito rin ay umaakma sa mga kasalukuyang programa ng suporta ng gobyerno sa mga hakbang na ginawa sa FTA (free trade agreement) upang buksan ang kalakalan.
Ang mga negosasyon sa Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP ay pormal na inilunsad ng ASEAN at ng anim na kasosyo nito sa FTA (free trade agreement) na Australia, China, India, Japan, South Korea, at New Zealand, sa Cambodia noong November 2012 at nilagdaan noong 2020.
Una nang niratipikahan ng Senado ng Pilipinas ang nasabing kasunduan noong Pebrero 2023.