MANILA – Nag-uusap na raw ang Pilipinas at Indian pharmaceutical company na Bharat Biotech para makapag-supply sila ng 8-milyong doses ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Indian Ambassador to the Philippines Shambhu Kumaran, nagpapatuloy ang diskusyon ng dalawang estado habang hinihintay ang resulta ng aplikasyon ng kompanya para sa emergency use ng kanilang bakuna sa Pilipinas.
“There are ongoing conversations for a supply for Covaxin which can range anywhere from 8 million doses upwards. I don’t think we are in a position to be signing anything yet,” pahayag ng opisyal sa interview ng ANC.
Nitong Martes nang ipasa raw ng kompanya ang datos ng kanilang Phase 3 clinical trials sa Food and Drug Administration.
Kung maaalala, noong Enero nang maghain ng EUA application ang kompanya sa FDA.
Mayroong 81% efficacy rate ang bakunang Covaxin ng Bharat Biotech sa ilalim ng Phase III clinical trials nito.
Sa ngayon mayroon nang 1.1-million doses ng bakuna ang Pilipinas mula sa Sinovac at AstraZeneca.
Nasa India ngayon si Vaccine czar Carlito Galvez para pumirma sa supply agreement ng 30-million doses ng COVID-19 vaccine ng Novavax.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon, kailangang makapagbakuna ang bansa ng hanggang 300,000 indibidwal kada araw para maabot ang target ng 50-milyong Pilipino na mabakunahan ngayong taon.