-- Advertisements --

Mahigit 100 naval reservists ang idideploy sa lalawigan ng Batanes kasunod ng direktiba ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na palakasin pa ang presensiya ng mga personnel sa naturang island province sa pinakahilagang bahagi ng PH na nakaharap sa Taiwan.

Ayon kay acting Navy public affairs officer Lt. Zachary Sinsuan, nasa kabuuang 126 reservists ang ipapadala. Lahat ng mga ito ay Ivatan o mga residente ng Batanes na nakatakdang dumalo sa graduation ceremony sa Basco sa araw ng Sabado.

Samantala, ang naging direktiba ni Sec. Teodoro na dagdagan pa ang mga tropa sa Batanes ay hindi nagustuhan ng China kung saan inakusahan pa nito ang PH na naglalaro ng apoy sa Taiwan na inaangkin ng China na bahagi ng teritoryo nito.

Ngunit sinabi ni Defense Sec. Arsenio Andolong na hindi dapat makialam ang China sa kung ano ang ginagawa ng Pilipinas sa loob ng teritoryo nito.

Dinipensahan din ni Andolong ang plano ni Sec.Teodoro na bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng Department of National Defense na naglalayong tugunan ang mga kahinaan ng bansa at pahusayin pa ang kakayahan nitong ipagtanggol ang pambansang interes.

Una rito, ang Mavulis Island sa Batanes at provincial capital ng Basco ay kabilang sa target na pagdausan ng war games o Balikatan exercise ngayong taon sa pagitan ng US at Pilipinas.

Ang mga bagong EDCA sites na ito ay ikinagalit naman ng Beijing na iginiit na ang kasunduan ay ginawa umano upang maaaring palibutan at ma-contain ng US ang China at kinakaladkad ang Pilipinas sa isyu sa Taiwan, isang pahayag na pinabulaanan naman ng PH.