-- Advertisements --
image 303

Inihayag ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na hindi nasa rice emergency ang Pilipinas.

Batay pa sa obserbasyon ng opisyal, sa kaniyang palagay hindi naman lumalala ang sitwasyon pagdating sa bigas at kumpiyansa ito na sa oras na magsimula na ang anihan, nakikitang makakapag-ani ng 5 million metrikong tonelada ng bigas ngayong buwan ng Setyembre at Oktubre.

Ito ang naging tugon ng kalihim nang matanong sa kaniyang komento sa inihaing panukalang batas ni Marikina Second District Representative Stella Quimbo na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na magdeklara ng national rice emergency.

Ang naturang panukala ay naisumite na sa Kamara de Representantes noong Setyembre 5.

Samantala, naniniwala naman ang DTI chief na ang ipinapatupad na price cap sa bigas ay epektibo.

Ito ay dahil naging abot-kaya aniya ang presyo ng bigas para sa mga ordinaryong Pilipino.

Base naman sa kanilang monitoring, karamihan naman ng mga retailer ay tumatalima sa inisyung Executive order no. 39 ni PBBM na nagtatakda sa price cap ng regular at well-milled rice.

Sinabi din ni Sec. Pascual na posibleng magpatuloy pa ang ipinapatupad na price cap sa panibagong 2 linggo depende sa sitwasyon sa mga susunod na araw.