-- Advertisements --

Naniniwala ang Department of Health (DOH) na mas bumuti pa ang health care system ng Pilipinas habang patuloy na nirerespondehan ang pandemic ng coronavirus disease (COVID-19).

Tugon ito ng ahensya sa ilang pahayag hinggil sa mahina raw talagang health care system ng bansa kahit noong bago pa pumutok ang pandemic.

“Wala naman talagang bansa na naging prepared to this pandemic. Lahat ng bansa nagkaroon ng initial na reaksyon when this pandemic started,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Depensa ng opisyal, marami na ang nagbago at nag-improve sa sistema ng kalusugan sa Pilipinas mula nang kumalat ang COVID-19.

Ilan sa sinasabing improvement ni Vergeire ay ang dami ng laboratoryo na humahawak ngayon ng testing. Noong Enero kasi, ipinapadala pa sa Australia ang nakukuhang samples dito para i-test.

“Dati 300 lang ang napo-produce nating tests per day noon nag-start tayo ng March, pero ngayon we are already producing more than 20,000 tests per day. We were already able to test more than 1-million people here in the Philippines.”

Parte rin daw ng pagbabago sa health system ang dumami ang quarantine facilities at referral hospitals para sa COVID-19 cases.

“Nagkaroon tayo ng COVID accepting hospitals, meaning ito yung mga ospital na maaari pa ring tumanggap ng non-COVID patients.”

“We were able to establish that pathway where people can still go for essential services other than the COVID services.”

Dagdag pa ni Vergeire, umabot na rin sa higit 5,000 ang health human resource na na-hire bilang dagdag na pwersa ng medical frontliners.

Aminado ang opisyal na marami pa ring kulang at kailangang idagdag sa mga ipinatupad na improvement sa health care system.

Pero tiyak umano na kumikilos ang gobyerno para mapunan ang pangangailangan ng bansa laban sa COVID-19 pandemic.

“Everyday as we do our response, we are trying to improve, add up to this capacity of our health system para we can say that we can accommodate yung mga pangangailangan ng mga tao sa bansa.”