-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kumpiyansa ang mga Pinoy workers at mamamayan ng Russia na kaya ng pamahalaan ng Russia na kontrolin at labanan ang 2019-nCoV kasunod ng pagtala sa dalawang positibong kaso ng nasabing virus doon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ejay Merced, Pinay worker sa Moscow, Russia, sinabi niyang malayo din sa kanila ang Siberia Region at Tyumen City kung saan naitala ang mga nasabing nCoV cases.

Sinabi rin niyang normal lamang ang pagsuot ng face mask sa Russia dahil sa malamig na klima ngayon doon.

Wala rin aniyang pagkaalarma ng mga tao sa isyu ng nCoV.

Mahigpit kasi ang pagpapatupad ng Russian gov’t ng quarantine measures gaya ng mahigpit na pagbantay sa mga airports.

Sinabi pa ni Merced na palaging ipinapaalala sa kanila ng Philippine Embassy sa Russia ang pagsunod nila sa mga ipinapatupad doon na precautionary measures laban sa nCoV.

Giit din niyang walang dapat ipag-alala ang mga kapamilya ng mga OFWs sa Russia dahil kaya naman ng pamahalaan doon na umaksiyon sa isyu ng nCoV lalo na at maganda ang health facilities, malalakas ang mga gamot at magagaling ang mga doktor.