-- Advertisements --

Binigyang diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat maghanda ang Pilipinas para sa mga susunod na aksyon ng China sa West Philippine Sea.

Ito ay habang pinaplano ng Manila ang isa pang resupply mission sa Ayungin Shoal kasunod ng water canon incident noong Agosto 5.

Aniya, asahan na umano ng ating bansa kung ano ang posibleng gagawin ng China at dapat na ito ay paghandaan.

Sinabi rin ni Pimentel na dapat mag-deploy ang mga awtoridad ng mas maraming asset para ipakita sa China ang kakayahan ng Pilipinas sa pagsasagawa ng rotation and resupply (RoRe) missions.

Napansin din niya na mas malapit ang Ayungin Shoal sa Pilipinas kaya dapat samantalahin ito ng Maynila.

Dagdag dito, ang Ayungin Shoal ay matatagpuan 104 nautical miles sa kanluran ng Palawan at nasa loob ng 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Kaugnay niyan, sinabi ng Armed Forces of the Philippines sa China Coast Guard na huwag makialam sa paparating na mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sinuportahan din ni Pimentel ang panukala ni Senador Francis Escudero na maglaan ng bahagi ng 2024 budget sa pagtatayo ng mga istruktura sa Ayungin, ngunit sinabi ng mambabatas na ang mga istrukturang itatayo ay dapat mga non-military.