-- Advertisements --

Inamin ng beteranang aktres na si Gina Alajar na dumaan siya sa yugto ng kanyang buhay kung saan gumamit aniya siya ng ilegal na droga sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Sa panayam ni Luchi Cruz-Valdes, ibinahagi ni Gina na nagsimula siya sa marijuana, at kalauna’y gumamit na rin ng shabu (methamphetamine) upang manatiling gising para sa trabaho.

“Nasa mid-twenties na ako noon, may pamilya na,” ani Gina. Ayon sa kanya, hindi niya mapigilan ang mga taong malapit sa kanya noon kaya’t napilitang sumabay na lang siya.

Naging parte raw ito ng kanyang mundo bilang dating child star.

“Na-involve kami sa shabu and I loved it so much because… hindi ka inaantok,” pag-amin ng aktres.

Dahil sa matagal na puyatan at matinding demand ng trabaho sa showbiz, naging daan umano ito para mas lalo siyang malulong.

Ibinahagi rin niya na nakaranas siya ng hallucinations matapos ang 72 oras na walang tulog. Dito siya natauhan at napagdesisyunang itigil ang lahat.

“May nangyari sa buhay namin mag-asawa at napagdesisyunan kong tama na. Kinuha ko mga bata, mga gamit, at umalis ako,” saad ni Gina.

Ngayon, tuluyan nang tinalikuran ni Gina ang paggamit ng ilegal na droga at patuloy na namumuhay nang malinis.

Bukod sa pagiging aktres at direktor, isa rin siyang live seller sa social media na kinaaaliwan ng kanyang mga tagahanga.