-- Advertisements --

MANILA – Posible pang umakyat ng 8,000 bagong kaso ng COVID-19 kada araw ang maitala ng Pilipinas sa pagtatapos ng buwan, ayon sa isang grupo ng mga eksperto.

Ayon kay Dr. Guido David, fellow ng independent body na OCTA Research Group, tumaas pa ng 1.9 ang “reproduction number” ng bansa.

Ang reproduction number ay ang bilang ng mga indibidwal na nahahawaan ng isang taong may sakit.

“Hindi tayo nananakot. Sinasabi lang natin, ‘yan ang science. Wala namang fear-mongering sa science. ‘Yung projections namin, nagkatotoo na,” ani David sa interview ng Teleradyo.

Sa National Capital Region (NCR), maaari raw sumirit sa 5,000 hanggang 6,000 ang new cases sa huling araw ng Marso.

-- Advertisement --

Pagdating naman ng kalagitnaan ng Abril, posibleng sumipa pa raw ng hanggang 20,000 ang bagong kaso sa buong bansa. Habang 14,000 sa Metro Manila.

Ayon kay David, kung hindi mako-kontrol ang pagkalat ng COVID-19, posibleng mapuno na naman ang kapasidad ng mga pagamutan.

Una nang sinabi ng OCTA na maaaring dahil na rin sa mga kaso ng “variants” ng COVID-19 virus ang pagtaas ng confirmed cases.

Ganito rin ang sinabi ng Department of Health, na naniniwalang nakaapekto rin ang hindi pagsunod ng publiko sa health protocols.

Tatlong variants na ng COVID-19 ang na-detect sa bansa: B.1.1.7 na mula United Kingdom, B.1.351 mula South Africa, at P.1 ng Brazil.

Nitong Sabado natuklasan din ng local experts ang P.3, na bagong variant ng virus. Nadiskubre ang presensya nito sa Pilipinas.