Nilinaw ng Philippine Consulate General sa Los Angeles na hindi kasama sa ikinasang mga raid sa siyudad ang Pinoy na napaulat na inaresto at ikinulong ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Ayon kay Philippine Consulate General Adel Cruz, naaresto ang Pinoy na si Rolando Veneracion-Enriquez sa kaniyang bahay na sinamahan ng kaniyang parole officer dahil sa kaniyang nauna ng felony convictions.
Paliwanag pa ng Consulate General na inaresto ang Pinoy dahil convicted siya sa dalawang krimen.
Hindi din aniya undocumented ang Pinoy sa halip isa siyang imigrante na mayroong legal grounds para sa deportasyon salig sa batas ng Amerika.
Nilinaw din ng opisyal na kahit na isang permanent residents na o green card holders ay maaaring maaresto kung mayroong outstanding felony conviction at maaaring mapadeport kahit na naisilbi na ang sentensiya o maraming taon na ang nakakalipas.
Samantala, agad din aniyang nakipag-ugnayan ang Konsulada sa pamilya ng Pinoy at na-secure na rin ang kaniyang ICE registration number.