-- Advertisements --

Nagtalaga na si US President Donald Trump ng 2,000 National Guard troops sa Los Angeles nitong Linggo upang tugunan ang karahasan dulot ng mga protesta laban sa mga immigration enforcement raids.

Ayon sa White House, ito ay bahagi ng kampanya upang wakasan ang “lawlessness.” Ngunit ayon kay California Governor Gavin Newsom, ang pagde-deploy sa mga National Guard ay maari pang magpainit sa tensyon, dahil kaya umanong tugunan ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon.

Naganap ang utos matapos ang dalawang araw ng marahas na sagupaan sa pagitan ng mga demonstrator at federal agents ng Amerika kung saan gumamit ng tear gas at flash-bang grenades ang mga awtoridad, habang gumamit naman ang mga raliyista ng mga fireworks at mga bato. May mga sasakyan din na sinunog at mga kalsadang binarikadahan gamit ang shopping carts at sako na may lamang semento.

Nabatid sa mga naunang araw ng protesta nagsagawa ng malalaking immigration raids ang federal agents sa mga lugar sa high-profile workplace kung saan 82% dito ay mga Hispanic o Latino.

Nagbabala naman ang Defense Secretary ng Amerika na kung lalala ang sitwasyon, maaaring gumamit ang pamahalaan ng mga aktibong sundalo, kabilang ang mga Marines sa Camp Pendleton.

Samantala umapela naman si Karen Bass, Mayor ng LA para sa kapayapaan, ngunit sinabi nitong ang karahasan ay may kapalit na pananagutan. Dagdag pa niya na bagama’t karapatan ang malayang pagpapahayag, hindi nito kabalikat ang manggulo, manakit at manira ng mga ari-arian.

Sa kabilang banda ang pagde-deploy ng National Guard sa LA ay bihira at karaniwang ginagawa lamang sa panahon ng natural na kalamidad. Maaalalang huling na-deploy ito noong 2020 kasunod ng pagpatay kay George Floyd.