-- Advertisements --

Ipinatupad ang local emergency curfew sa Los Angeles, California sa gitna ng malawakang protesta.

Naging epektibo ang curfew bandang alas-8:00 ng gabi nitong Martes hanggang alas-6:00 ng umaga ng Miyerkules, oras sa Amerika at inaasahang ipapairal pa ito hanggang sa mga susunod na araw, ayon kay LA Mayor Karen Bass.

Ayon kay LA Police Department Chief Jim Mcdonnell, nasa 378 katao na ang inaresto sa nakalipas na apat na araw ng malawakang protesta, kabilang ang halos 200 indibidwal na inaresto nitong Martes.

Iniulat din ng LA Mayor na may 23 business building ang ninakawan sa nakalipas na apat na araw.

Samantala, tinanggihan naman ng federal judge ang request ng California para sa agarang restraining order para pansamantalang pagbawalan si US President Donald Trump na gumamit ng Marines at National Guard sa pagpapatupad ng mga batas sa estado lalo na may kinalaman sa kaniyang inisyatiba para sa massive deportation ng mga iligal na imigrante.

Itinakda naman ni Senior US District Judge Charles Breyer ang pagdinig ukol dito sa bukas, araw ng Huwebes.

Una na ngang idineploy ni Trump ang National Guard at Marines para protektahan ang federal personnel at property laban sa mga nagpro-protesta na tinututulan ang ikinakasang raid sa mga imigrante sa siyudad.