-- Advertisements --

Burado na ang Pilipinas mula sa listahan ng “high-risk” money laundering ng European Union (EU).

Ito ay kasunod naman ng pagtanggal sa Pilipinas mula sa grey list ng money laundering watchdog na Financial Action Task Force (FATF) noong Pebrero.

Ikinalugod naman ng European Chamber of Commerce of the Philippines ang pagtanggal sa bansa mula sa listahan ng mahigpit na binabantayan sa money laundering at terrorism financing na bunga aniya ng pagpapalakas pa ng laban ng gobyerno kontra sa naturang mga iligal na gawain.

Nakikita naman ito ng grupo na magpapahusay pa sa kumpiyansa ng mga investor at magpapadali ng mga financial transactions sa European counterparts at ipamalas ang reputasyon ng Pilipinas bilang isang credible at attractive destination para sa trade at investment.

Maliban pa sa PH, inalis na rin sa listahan ang Barbados, Gibraltar, Jamaica, Panama, Senegal at Uganda habang naidagdag naman sa mga bansang masusing binabantayan sa money laundering ang Algeria, Angola, Ivory Coast, Kenya, Laos, Lebanon, Namibia, Nepal, Venezuela, kasama ang Monaco.

Nakatakda namang sumailalim sa pagsusuri ng European Parliament at member states ang binagong listahan ng EU saka ito ipapatupad sa loob ng isang buwan kung walang pagtutol.