Buo at hindi natitinag ang suporta ng Pilipinas sa resolution ng United Nation para sa agaran, walang kondisyon at permanenteng ceasefire o tigil putukan sa giyera doon sa Gaza.
Kaugnay nito, isa ang Pilipinas sa 149 na bansang bumuto ng pabor sa resolution, 12 ang tumutol habang 12 ang nag-abstain.
Kabilang sa mga bansang tumutol ang Amerika, Argentina, Hungary, Paraguay at Israel na patuloy ang ikinakasang opensiba sa Gaza na pinaniniwalaang pinagtataguan ng militanteng Hamas.
Sa in-adopt na resolution ng UN General Aseembly, mariing kinondena ang anumang uri ng pagpapagutom sa mga sibilyan bilang paraan ng pakikidigma at hindi makatarungang pagbabawal sa humanitarian access sa Gaza.
Inihayag din ng General Assembly na sa ilalim ng international law, obligado ang Israel na tiyaking makakarating ang humanitarian aid sa lahat ng mamamayang nangangailangan sa Gaza at idinemand ang agaran at permanenteng pagbibigay ng ligtas at walang harang na entry point para sa pagpasok ng goods sa buong Gaza.
Muling idinemand din ang agaran at walang kondisyong pagpapalaya sa lahat ng mga natitirang bihag ng Hamas at iba pang mga grupo.