CLARK, Pampanga – Umusad na sa semifinals ang softball at baseball team ng bansa makaraang mawalis ang eliminations sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa The Villages sa Clark, Pampanga.

Sa softball, kinailangan lamang ng RP Blu Girls ang apat na innings upang magapi ang Thailand sa iskor na 11-0.

Ibinuhos ng mga Pinay ang kanilang lakas pagsapit ng third inning kung saan pinatibay pa nila ang kanilang depensa sa pamamagitan ng pitong runs at ilista ang 10-0 lead.

Umiskor ng isa pa ang Blu Girls upang selyuhan ang kanilang tagumpay at maisara ang eliminations na may malinis na 4-0 card.

Ayon kay team manager Randy Dizer, malaki ang kanyang kumpiyansa na makakapasok sila sa gold medal game sa araw ng Linggo.

Ang RP Blu Boys naman ay tinalo ang pinakamahigpit nilang karibal na Singapore sa iskor na 8-0.

Samantala, dinurog ng Pinoy baseball team ang Singapore sa loob lamang ng apat na innings, 17-0.

Kilo-kilometro na ang agwat ng Pilipinas sa third inning, 6-0, na dinagdagan pa nila matinding opensa na siyang nagpalubog sa bisitang koponan.