Inihayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian na dapat magpigil at huwag gumawa ng unilateral at provocative action ang parehong panig ng Pilipinas at China kasunod ng panunutok ng military-grade laser ng Chinese Coast Guard sa engkwentro nito sa crew ng BRP Malapascua sa Ayungin Shoal area noong Pebrero 3.
Dahil sa huli ayon kay Huang ang naturang karagatan ay isang disputed area.
Nagpahayag din ng labis na kalungkutan ang Chinese envoy kaugnay sa dinanas na pansamantalang pagkabulag ng ilang tauhan ng PCG dahil sa ilang segundong pagtutok ng laser ng CCG.
Ginawa ni Huang ang naturang pahayag ilang oras matapos na akusahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang China ng destabilisasyon ng kapayapaan at seguridad sa West Philippine Sea pagkatapos ng laser-pointing incident.
Nagpakita rin si Huang ng mga larawan ng mga laser na katulad ng ginamit ng coast guard ng China at inihayag na hindi mga military grade laser ang mga ito na naglalayong saktan ang sinuman.
Sinabi din ni Huang na mayroon ding kakulangan sa komunikasyon nang mangyari ang insidente na humantong sa hindi pagkakaunawaan.
Sa kabila nito ayon kay Huang na ang mga opisyal ng China at Pilipinas ay nagsasagawa na ng mga talakayan upang pangasiwaan ang mga pagkakaiba upang maiwasan ang maritime tension.