-- Advertisements --

Personal na binisita ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola ang mismong site na tinamaan ng missile attack ng Iran sa Bat Yam, isang coastal city sa katimugang bahagi ng Tel Aviv sa Israel.

Dito, nakipag-usap si Ambassador Mendiola kay Israeli Foreign Minister Gideon Sa’ar at natalakay ang lagay ng mga Pilipinong nasaktan sa lugar.

Makikita sa video ang mismong site ng mga napinsalang gusali mula sa missile strike ng Iran.

Base sa pinakahuling datos mula sa Embahada noong Martes, Hunyo 17, umabot na sa pitong Pilipino ang nasugatan sa retaliatory missile strike na pinakawalan ng Iran sa Israel kung saan isa ang nasa kritikal na kondisyon, isa ang nasa moderate condition at lima na ang na-discharge mula sa pagamutan.

Iniulat din ng embahada na 49 na Pilipino ang nawalan ng kanilang bahay at inilipat sa temporary shelters.