Sa pagpasok ng ika-anim na araw ng palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran, nagbabala ang supreme leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei ng pagsisimula ng digmaan sa pagitan nila ng Israel.
Sa isang post sa X, sinabi ng Iran leader na sa “ngalan ng dakilang Haidar, magsisimula ang digmaan”.
Ang Haidar ay ang pangalang kadalasang ginagamit para kay Ali, na ikinokonsidera ng mga Muslim na unang Imam at successor ni propeta Mohammed.
Tiniyak din ng Iran supreme leader ang matinding pagganti sa aniya’y teroristang Zionist regime at hindi aniya sila magpapakita ng awa sa Zionists.
Bago ito, nauna ng idinemand ni US President Donald Trump sa Iran ang pagsuko nang walang kondisyon at sinabing hindi pa nila papatayin ang Iran Supreme leader sa ngayon. Gayundin ang Group of 7 (G7) kung saan kasapi din ang Amerika ay nanawagan sa Iran para sa de-escalation.
Base naman sa hindi pinangalanang US officials, tinitimbang ngayon ni Trump ang ideya ng paggamit sa US military assets para atakehin ang nuclear facilities ng Iran habang ayon naman sa isang senior official, nagaanatay umano ang Israel kung tutulong ang US President na tapusin ang trabaho na waksan ang nuclear program ng Iran.
Nitong umaga ng Miyerkules, sinabi ng Israel na naglunsad sila ng mga serye ng strikes sa Tehran. Binalaan din ang mga Israelis sa paparating na missiles mula Iran matapos na makapagtala ng mga pagsabog sa Tel Aviv matapos makalusot ang ilang missiles ng Iran sa iron dome ng Israel.