Inihayag ni US President Donald Trump na idedemand niya sa Iran ang conflict compensation bilang parte ng anumang peace negotiations.
Ang anunsiyong ito ay direktang tugon sa naging hiling ng Iran na bayaran muna ng Amerika ang mga pinsala ng limang buwang digmaan bago muling buksan ang Strait of Hormuz.
Sinabi ni Trump sa kanyang Truth Social account na isang “kagiliw-giliw na ideya” ang hiling ng Iran na bayaran sila ng US. Kaya naman, hihingi rin ang US ng sarili nitong kabayaran para sa mga Amerikanong pinatay at malubhang nasugatan ng mga roadside bomb at mga proxy na labanan ng Iran.
Nais ni Trump na isama sa babayaran ang pamilya ng 17 Amerikanong sundalo na namatay sa pagbomba sa USS Cole noong taong 2000, pati na rin ang mga pamilya ng mga inosenteng nagprotesta sa loob mismo ng Iran sa nakalipas na 50 taon kabilang ang 52,000 na namatay sa nakaraang limang buwan.
Idiniin din niya na dapat panagutan ng Iran ang mga pinsala at kamatayan sa mga karatig-lugar tulad ng Lebanon, Syria, Yemen, at Gaza.
Dahil sa palitan ng matitinding hiling, lalong naging malabo ang kasunduan upang wakasan ang kasalukuyang giyera.
Kasunod din ng pahayag na ito, tumaas ng 5% ang presyo ng langis sa buong mundo dahil sa pangambang mananatiling sarado ang Strait of Hormuz, isang kritikal na daanan ng mga barkong nagdadala ng langis.
Inutusan na ni Trump ang kanyang mga kinatawan na gawing permanenteng kondisyon ang demand na ito sa lahat ng mga susunod na negosasyon sa Iran.















