Kinondena ng mga petitioners ng consolidated disqualification cases laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dismissal ng First Division ng Comelec sa kanilang mga petitions.
Nakasaad sa resolution na iniakda ni commissioner Aimee Ferolino na salungat sa iginigiit ng mga petitioners, ang parusang perpetual disqualification dahil sa kabiguan na makapaghain ng income tax returns ay hindi nakasaad sa orihinal na 1977 National Internal Revenue Code.
Ang naturang parusa ay ipinatupad lamang kasunod nang effectivity naman ng Presidential Decreee 1994 noong Enero 1, 1986.
Nakasaad din sa ruling na ang non-filing ng income tax returns ay hindi krimen base sa moral turpitude.
Sa isang statement, sinabi ng party-list group na Akbayan, isa sa mga petitioners, na maituturing na “major setback” sa electoral democracy ang naging pasya ng Comelec.
Sayang lang din aniya ang pagkakataon na madipensahan sana ang katotohanan at maprotektahan din ang publiko sa anila’y “large scae election swinde” ng isang “convicted tax evader” na si Marcos.
Ayon sa Akbayan, hindi pa sila susuko gayong isusulong aniya nila hanggang sa huli ang naturang kaso.
Maging ang mga Martial Law survivors na mga petitioners din sa kaso ay nangakong ‘di susuko sa kabila nang naging pasya ng Comelec sa disqualification case na kanilang inihain.
Ayon kay Atty. Howard Calleja, abogado ng ilan sa mga petitioners, hindi natatapos ang lahat sa pasya ng Comelec.
Gayunman, ang naging desisyon na ito nina Ferolino at Commissioner Marlon Casquejo ay nagbabalot lamang pa lalo nang pagdududa hindi lamang sa kaso laban kay Marcos Jr. kundi sa Comelec mismo bilang institusyon.
Iginiit ni Calleja na tatahakin nila ang lahat ng legal remedies na mayroon para mailabas ang katotohanan, makamit ang hustisya, at marating ang “proper legal conclusion” na karapatdapat.
Sa kabilang dako, ikinalugod naman ni Marcos Jr. ang naging ruling ng Comelec First Division.
Dahil dito, wala na aniya silang distraction habang nangangampanya.
Sinabi naman ng kanyang abogado na si Atty. Vic Rodriguez na guilty sa pagsisinungaling at sinadyang i-mislead ang Comelec sa pamamagitan nang paggamit ng maling probisyon ng batas para gawin itong pabor sa kanilang kuwento.