Hindi pinagbigyan ng Supreme Court (SC) ang petisyon para harangin ang provincial bus ban sa EDSA na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa resolusyon, ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang petisyon ng Ako Bicol party-list representatives Ronald Ang at Alfredo Garbin Jr., Albay Rep. Joey Sarte Salceda at Bayan Muna party-list para hilinging ihinto ng MMDA ang bus ban.
Base sa desisyon ng SC, hindi umano sinunod ng mga petitioners ang hierarchy of courts sa pagharang sa plano ng MMDA.
Dapat umano ay inihain muna ang naturang petisyon sa lower courts.
Sa petition for Prohibition and Mandamus, hiniling ni Salceda ang kataas-taasang hukuman na mag-isyu ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para pigilan ang MMDA na pagbawalan ang mga provincial buses sa EDSA.
Para ipatupad ang bus ban, kailangan i-revoke ng MMDA ang business permits ng mga bus terminals sa EDSA dahil nakakadagdag umano ito sa traffic congestion sa Metro Manila.
Sa naturang plano, ililipat ang terminal ng bus sa Valenzuela sa mga pupuntang norte at Sta Rosa, Laguna naman para sa mga pupunta sa timog na bahagi ng bansa.