Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng Department of Transportation (DOTr).
Sa 20 pahinang desisyon na inilabas ng Korte Suprema, ibinasura ang petisyon na inihain ng transport group na Bayyo Association Inc. at presidente nito na si Anselmo Perweg dahil sa kawalan ng legal na basehan at isang paglabag ito o pagbalewala sa doktrina ng hierarchy of courts.
Sa naturang petisyon kasi, kinuwestyon ng mga petitioner ang legalidad ng paragraph 5,2 ng DOTr Order 2017-11 na nagtatakda na dapat ang mga PUV drivers ay mag-shift sa paggamit ng brand new at environmentally friendly units sa ilalim ng PUVMP.
Ipinunto din ng mga ito na ang phaseout strategy para sa tradisyunal na dyip ay discriminatory dahil daw sa hindi patas na pagtrato sa mga dyip at iba pang PUVs.
Sinabi naman ng kataas-taasang hukuman na nabigo ang mga petitioner na patunayan ang kanilang claim na sila ay lehitimong association ng PUJ operators at drivers.
Kinuwestyon din ng petitioner ang probisyon sa DOTr Order kung saan nagpahayag sila ng pagkabahala na maaaring magpalugmok sa kanila sa utang ang pagiinvest sa modern jeepneys.
Subalit ayon sa SC, ang naturang usapin ay dapat na dinggin muna at ayusin sa mababang hukuman.