Hiniling ngayon ng isang grupo sa Commission on Elections (Comelec) na agad nang aksiyunan ang petisyon na humihiling na ipagpaliban ang May 9, 2022 elections.
Ito ay dahil posible umanong malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga botante dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kanina ay naghain ang Coalition for Life and Democracy ng urgent motion to set hearing and manifestation na may kaugnayan sa December 10, 2021 petition na inihain nito sa Comelec para hilinging ipagpaliban ang halalan sa 2022 sa May 9, 2025.
Isa pa sa mga ginawang rason ng grupo ang umano’y hindi pa nareresolbang mga kaso ng mga kandidato sa Comelec maging ang mga party-list groups na dumulog sa Supreme Court (SC) sa desisyon ng Comelec na ibasura ang kanilang accreditation bilang legitimate party-list groups.
Una nang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na malabong umusad ang naturang petisyon dahil ang pagpapaliban sa halalan ay labag sa Philippine Constitution.
Paliwanag ni Jimenez wala umanong probisyon sa Constitution na nagsasabing puwedeng manatili sa posisyon ang mga halal na opisyal sakaling ipagpaliban ang national election.