PETISYON VS NOTICE OF DISALLOWANCE SA ₱10-M PONDO NG PUERTO PRINCESA NOONG 2008 PALARONG PAMBANSA, IBINASURA NG
Tuluyan nang ibinasura ng Commission on Audit (COA) ang apela ng isang opisyal ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa hinggil sa inilabas na notice of disallowance sa ₱10 milyong pondo na inilaan para sa dalawang malaking sports events noong taong 2008.
Batay sa 10-pahinang desisyon ng ahensya na nilagdaan nina COA Chairperson Gamaliel Cordoba, Commissioner Mario Lipana, at Commissioner Douglas Mallillin, kinatigan ng komisyon ang naunang kautusan dahil sa maling paggamit ng pondo at kawalan ng tamang proseso sa pagbili ng mga kagamitan.
Lumabas sa imbestigasyon na ang nasabing ₱10 milyon ay orihinal na inilaan para sa repair and rehabilitation ng iba’t ibang school buildings bilang paghahanda sa school year 2008-2009.
Subalit, nadiskubre ng mga auditor na ginamit ito bilang pambayad at para sa liquidation of cash advances sa MIMAROPA Regional Athletic Association Meet (MRAAM) at Palarong Pambansa.
Naghain ng petition for review si Mylene J. Atienza, ang Administrative Officer IV at Special Disbursing Officer ng lungsod, upang kontrahin ang disallowance.
Ikinatwiran ni Atienza na nagsilbi pa rin umano sa layunin ang trust fund dahil marami pa ring mga gusali ng elementarya at high school ang naisaayos.
Gayunpaman, idineklara ng COA na walang merito ang apela.
Tinukoy ng audit body na bukod sa paglihis ng pondo, isinagawa rin ang mga pagbili nang piecemeal basis o unti-unti at hindi dumaan sa itinakdang public bidding.
Nabigo rin umanong sagutin ni Atienza sa kanyang petisyon ang mga iregularidad sa mga dokumento.















