-- Advertisements --

Nasa ikatlong araw na trading day na sunod-sunod na sumadsad sa pinakamababang halaga ang piso laban sa dolyar.

Sinasabing nalugi sa 22.9 centavos ang piso mula noong Biyernes laban sa dolyar.

Ang paghina lalo ng piso ay kasunod umano ng mga pahayag ng mga opisyal ng Federal Reserve sa Amerika na kailangan pa ang mas mahigpit na monetary policy bago makontrol ang inflation.

Liban sa nasabing dahilan, nanghina rin ang piso matapos ang bagong record-high na pagkakautang ng Pilipinas.

Una nang napaulat na ang Philippine government running debt stock ay lomobo pa sa bagong all-time high ng P12.89 trillion.

Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) meron na silang mga nagawa upang ma-stabilize ang peso matapos ang serye ng rate hikes.

Sa ngayon wala naman daw problema sa peso kundi ang may problema ay ang dolyar.

Mula noong Disyembre ng nakalipas na taon, umaabot na sa 11.76% o halos P6.00 na ang ikinalugi ng peso mula sa dating P51-per-dollar close noong December 31, 2021.

Nitong Lunes naitala sa BSP rates ang isang dolyar na katumbas ng P56.79.