-- Advertisements --

Inanunsyo ng Providence Police na hawak na nila ang isang person of interest kaugnay ng pamamaril sa Brown University sa Providence, Rhode Island, na ikinamatay ng dalawa katao at ikinasugat ng siyam na iba pa noong Sabado (Linggo sa Pilipinas).

Tinukoy ng mga awtoridad na nasa 20s ang suspek at naaresto sa isang hotel sa Coventry noong Linggo ng madaling araw. Hindi pa pinapangalanan ang suspek, ngunit sinabi ng mga awtoridad na wala nang ibang suspek na kanilang hinahanap.

Ibinahagi rin ng mga awtoridad ang CCTV footage kung saan kita ang suspek na nakasuot ng itim na damit, ngunit wala pang nahahanap na baril sa lugar ng insidente.

Sa kabilang banda, tiniyak naman ng pamunuan ng Unibersidad na kanilang sasagutin ang gastusin para sa mga biktima ng pamamaril gayundin ang pagtulong sa kanilang mga pamilya.

Sa ngayon ay ipinagbabawal muna ang anumang pagpasok sa Unibersidad dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Samantala iniulat naman ni Mayor Brett Smiley, nitong Linggo na ang kondisyon ng mga sugatang biktima ay nag-iba, kung saan 7 kanila ang stable na, 1 ang critical, at 1 ang na-discharged na.

Isang prayer vigil rin ang ginanap sa lugar.