Kinalampag ni Senadora Imee Marcos ang ‘pera para sa pirma’ na taktika para lamang isulong ang pag-amyenda sa 1987 Philippine Constitution.
Tiyak si Marcos na ito ay hindi magtatagumpay dahil kalat na ang panunuhol at mapanlinlang na estratehiya na sinasabing pinondohan ng pera mula sa buwis ng taumbayan.
Tinuligsa ng Senadora ang naiulat na maling paggamit ng public funds sa pagtatangka na manipulahin ang opinyon ng publiko at tiyakin ang mga lagda para sa mga pagbabago sa konstitusyon.
Habang bukas ang Senado na rebisahin ang economic provisions sa 37 taon na Konstitusyon, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagtiyak ng proseso sa tamang channel, transparency, at pag-iingat laban sa panlilinlang sa publiko.
Giit din ng presidential sister ang tamang proseso ng isinusulong na people’s initiative at alisin ang anumang panunuhol o panlilinlang.
Nababahala kasi si Marcos na nasasangkot ang mga ahensya ng gobyerno kabillang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at Department of Labor and Employment (DOLE) sa signature drive.
Kasabay nito, nagpahayag si Marcos ng reservation patungkol sa nagpapatuloy na People’s Initiative dahil sa kakulangan ng isang malinaw na legal framework at detalyadong pamamaraan.
Iginiit din ni Marcos ang iminumungkahing proseso ng pagboto sa people’s initiative kung saan magkakaroon ng joint voting na posibleng mabawasan ang papel at boses ng mga Senador.
Ang dapat na unahin na tugunan sa ngayon aniya ay ang mataas na bilihin sa merkado, napipintong hanap-buhay ng mga tsuper, at marami pang iba.
Una rito, tahasang itinuro ni Marcos na ang opisina ng kanyang pinsan na si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang “tiyak” na nasa likod ng umano’y P20 million allocation para sa mga distrito ng mga kongresista upang isulong ang people’s initiative at ang timeline para sa Charter change (Cha-cha).
Ayon kay Marcos, ang opisina ni Romualdez ang nag-alok nang malaking halagang pera sa kada distrito para mangalap ng lagda para sa People’s Initiative at sa tanggapan din ng Speaker nanggaling ang timeline na pagsapit ng July 9 ay tapos na ang lahat.