Tinawag na sinungaling ng pamunuan ng Philippine Long Distance Company (PLDT) ang Panay Electric Company(PECO) matapos nitong ibintang at sabihing galing sa telecom lines ang sanhi ng karamihan sa naganap na sunog sa mga poste sa Iloilo City.
Nilinaw ni PLDT Vice President for Visayas at dating PLDT-Iloilo Manager Rene Lescano na walang katotohanan ang pahayag ng PECO.
Sinabi naman ni Public Engagement and Government Affairs head Marcelo Cacho na telcos at hindi PECO ang dapat na sisihin sa serye ng pole fires sa lalawigan.
Itinaggi ni Cacho ang naging report ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kalahati ng mga naganap na sunog sa Iloilo mula 2014 ay galing sa kanilang mga kable sa halip ay itinuro nito ang messenger lines ng PLDT na walang insulation clamps kaya nagkakaroon ng short circuit at ang resulta ay nadadamay ang linya ng kuryente kaya nagkakaroon ng pagkasunog sa poste ng PECO.
Depensa naman ni Lescano na imposible ang bintang ng PECO dahil mismong BFP ang nagsabing mahinang klase ang kable ng PECO.
Dagdag pa ni Lescano, sa nasa buong Iloilo ay 2,000 poste lamang ang sa PLDT kumpara sa 30,000 poste ng PECO.
Iginiit pa nito na ang kanilang messenger wires na konektado sa poste ng PECO ay walang kuryente, walang voltage kaya imposibleng magshort circuit ito.
“It’s power is just like that of four batteries connected in a series which can never cause a fire of that magnitude which requires the BFP to respond. It is clear among engineers and utility companies that the real cause of the fires are PECO’s electrical wires.” ani Lescano.
Dahil umano sa mga nasusunog na poste ng PECO ay maging kanilang kable ay nadadamay.
Ang magkakasunud na sunog sa poste ng PECO ay iniimbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) base sa naging reklamo ni Iloilo Mayor Jerry Treñas sa Malacañang na nababahala sa kaligtasan ng may 65,000 consumers ng PECO kung hindi maayos ang operasyon ng distribution utility.
Sa testimonya ng BFP sa ERC sinabi nitong tanging ang high-voltage electricity wires ng PECO na sira na o overloaded ang maaaring pagmumulan ng pagsiklab ng apoy at hindi maaaring manggaling sa mga telephone or cable TV wires.
“Maybe Cacho, who is not an engineer, has no knowledge at all, or he is just using us (telcos) as scapegoat. I really feel bad about it. It is just too bad that he is claiming such but never informs us every time we meet with other utility companies,” paliwanag ni Lescano.
Ang PECO ay nag-o-operate na lamang sa bisa ng temporary Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) na inisyu ng ERC matapos hindi irenew ang legislative franchise nito ng Kongreso dahil sa mga reklamo na pangit na serbisyo.